Sino ba ang makapagsasabi

Na maaari palang mangyari

Ang dating napadaan lang na guni-guni?

 

Sino ang makapag-aakalang

Ang isiping dating kinutya’t tinawanan

Magiging kagimbal-gimbal palang katotohanan?

 

Mahal, natatandaan ko pa

Ang madilim na liwanag ng bombilya

Sa maliit na silid na aking kinasasadlakan

Habang ako’y nagpapatangay

Sa bunton ng iyong mga ala-ala

 

Habang pinagmamasdan

Ang iyong imahe sa’king isipan

Di ko mapigilang mapasinghap

At mapabulong…

 

Ano na lang kaya ang mangyayari sa akin

Kung siya’y mawala?

Hindi. Hindi yung umalis. Kundi yung PERMANENTENG mawala.

 

Alam ko

Kagulumihanan ang isipin ang kamatayan

Pero kasi, lahat nama’y hahantong dito

Maging ang pinaka-iniibig mo

Pagnilayan mo, gugustuhin mo bang mauna

Upang hindi ka maiwang mag-isa?

 

Hanggang sa tinawanan ko

Ang kalawakan ng aking imahinasyon

At natulog na… kagulumihanang tunay

Ngunit … ngayong sinusulat ko ang tulang ito

Isang taon na magmula nang mangyari

Ang trahedyang iyon

 

O mahal ko

Hinarap mo ang kamatayan

Sa sarili mong mga kamay

Sa aking kaarawan

Wala akong alam na sa panahong nagdidiwang ako

Sinadya mong mabura sa mundo

 

Mahal ko

Bakit?

Bakit mo hinayaang magkatotoo

Ang aksidenteng napadaan lang sa’king diwa noon?

Ano bang naging problema?

Sa tali lang ba talagang iyon mo mahahanap ang solusyon?

Sabi pa nila’y bakas pa ang higpit nito sa iyong leeg

Subalit mas nagmarka sa akin ang lahat mahal ko

 

Sapagkat wala akong nagawa

Sana’y naroon ako upang iligtas ka

Ngunit wala, at KAHIT KAILAN AY HINDI AKO MAKATUTUNTONG DOON

Wala akong karapatan.

KAHIT KAILAN AY WALA AKONG MAGIGING KARAPATAN

 

Buti na lang at may nakakita sa’yo kaagad

Natanggal nila kaagad ang mapanlinlang lubid

Na halos kumitil na sa pinakamagandang nilalang sa mundo

Dinugtungan pa ang iyong buhay, hindi mo pa panahon

Huwag mong ipagpilitan

 

Huwag mo na iyong uulitin pa

Tandaan mo…

Mamatay din ako sinta.

 

Advertisements