Pagdadasal.

Magmula sa ngayo’y akin nang iibahin ang aking pananaw dito.

Sa totoo lang… sinukuan ko na ito! Halos wala naman kasi akong napapala. Humingi ako ng sagot sa mga naglalakihan kong katanungan sa buhay, subalit wala akong natatanggap. Hiniling ko nang  paulit-ulit na sana’y maunawaan ko na ang bumabagabag sa aking isipan, ngunit ano? Wala pa rin akong natatanto. Idinulog ko ang isang malubhang karamdaman… isang karamdamang higit na malala kaysa sa anumang pisikal na depekto. Halos nakamamatay! Ramdam mo habang kinakain nito ang buo mong sarili, tumatagos sa kaibuturan. Pero heto! Hindi pa rin ako gumagaling nang lubusan.

Napakarami pang ibang bagay akong idinaan sa dasal. Karamiha’y napunta sa kabiguan. Kaya nama’y itinigil ko na. Nakapapagod at nakapanghihina lamang. Subalit nang mabasa ko ang isang artikulong ukol sa pagdadasal na inilabas ng isang samahang lubos kong pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan , patungkol sa espiritwal na bahagi ng buhay, ay nabago ang aking pag-iisip.

Ang pagdadasal pala’y higit pa sa inaakala ko.

Aking natutuhan na:

  1. Minsa’y pinatatagal talaga ni Jehova/Yahweh ang paggantimpala ng kasagutan sa atin. Ang paggantimpala sa ating mga hinihingi.

 Ito’y sa kadahilanang nais Niyang makita kung gaano natin ito hinahangad. Nais niya ring ating makita sa atin mismong mga sarili, kung talaga bang ating gusto ang isang bagay, o isa lamang itong lumilipas na guni-guni. Sabi sa aking nabasa’y sa palagiang pagdarasal ay nabibigyan tayo ng oras na timbangin ang mga bagay- bagay. Minsan nga daw ay mabibigla na lang tayo na hindi naman pala talaga natin ito tunay na inaasam.

 

  1. Sa ating pagdarasal ay inihahanda Niya tayo.

 Sa sagot, sa ating hinihingi. May ginagawa Siya, at higit pa iyon sa ating inaasahan. Nais Niya tayong sorpresahin! Kaya minsa’y medyo matagal na proseso. Worth it naman diba?! Maaaring pamilyar ka dito, “Grabe Lord! Sobra pa po ito sa hiningi ko!” 

 

  1. Ang palagiang pagdarasal ay itinutulak ang ating atensyon sa tama nitong pagkatuunan. 

Hindi dapat tumitigil sa pagdarasal, sapagkat sa pamamagitan nito’y nakikita natin, o mas tamang sabihin na tinatanggap natin na ang Diyos ang tanging makatutulong sa atin… sa lahat ng bagay. SA LAHAT NG BAGAY! Pumopokus tayo sa Kanya!

Tumpak ang sinabi doon na tayo’y karaniwan nang maling-mali pagdating sa usaping suliranin. Mas kumakapit tayo sa ibang tao, sa ibang bagay! May kaugnayan ito sa numero Uno. Ipagpalagay nating hindi ka nagdarasal para sa iyong mga hinaing (magkagayunpama’y alam ng Diyos kung ano ang isinisigaw ng iyong puso). Patuloy kang naghahanap ng solusyon, ngunit tengga ka lang! Ito ang paraan Niya upang ipaalala sa iyong Siya ang dapat mong lapitang talaga. Idulog mo sa Kanyang harapan. Tuwiran mong sabihin. Kaya nga di ba sa kawalang pag-asa’y nasasambit mong, “Wala na talaga! Suko na ako! Ikaw na bahala”. Pamilyar hindi ba? Sa wakas ay ibinigay mo na ang lahat-lahat sa Kanya. Naniwala ka nang Siya lang talaga ang may ganap na kapangyarihang sumasaklaw sa lahat!  Na siyang katotohanan! At syempre’y bumabalik pa rin ito sa ipinunto kanina na, kung hindi mo ito kayang isalin sa mga salitang paghingi ng gabay sa Maykapal, baka naman hindi mo ito ganoong kailangan. Tingin mo?

 

  1. Ang pagdarasal daw ay nakapagpapabago ng mga bagay-bagay.

 Nang maalala ko ang mga panahong ako’y paladasal pa, nakita kong ito’y totoo. Tuwing ako’y nakikipag-usap sa Kanya, gumagaan ang lahat. Nararamdaman ko kasing may katulong ako sa pagpasan, at bueno! Mas malakas pa Siya kaysa sa akin! Bakit ko nga ba kinalimutan ang mga nangyaring iyon, at hinayaang sukuan ko nang gayon na lamang ang pagdarasal?

Sabi pa doo’y dahil sa pagtitiwala natin sa kaluwalhatian ni Jehova/Yahweh, na masasalamin sa palagian nating pagdarasal, ay may malalaking mga bagay na nakatakdang mangyari sa ating mga buhay. Mga milagro! Maliit o malaki man ang maging tingin mo dito kapag iyo’y nasa’yo nang harapan. Bilang gantimpala ito sa pagiging tapat, pagtitiis, at paghihintay!

 

Ang pagdadasal ay kailangang gawin upang mas mapayabong mo pa ang iyong pananalig sa Panginoon. Dito’y mas nakikilala mo pa kung sino Siya. Kung kaya mo ngang gawin ang lahat (stalk pa more!) pagdating sa hinahangaan mong artista, gawin mo rin alang-ala sa Kanyang lumikha, at wagas na nagmamahal sa atin. (At least siya kilala ka! xD)

P.S. Marahil hindi pa ako gumagaling, dahil sa sumusuko akong tulungan ang aking sarili. Marahil kaya hindi ko pa rin nauunawaan kung ano ba talaga ang sagot sa isang masalimuot na katanungan, dahil sa hindi ko naman halos itinatanong sa Kanya. Minsan ko lang ipagdasal, o tinatamad kasi akong ipagdasal? (Putek tanga ko!) Lumalabas ngang hindi ko rin kasi nais malaman ang sagot, sapagkat natatakot ako. Ang bigat na bagay kasi. Parang hindi ko kayang harapin.

 

Ipinapangako kong palagian na akong magdarasal. Kahit pa tinatamad ako’y pipilitin ko, nang buong-puso. Hindi lang para sa sarili kong mga interes, kundi karapat-dapat ito para kay Jehova/Yahweh, ang lubos na nagmamahal sa akin nang higit pa sa kayang abutin nang aking isip.

Advertisements