Laging paalala sa akin ni Mama
na kapag dumating na raw ang tamang oras
at panahon,
ipagdasal ko raw sa Panginoon
ang tamang lalaki para sa akin.
Oo, hilingin ko daw sa Diyos.
Para raw hindi ako magkamali sa pagpili.
Para raw hindi mapunta sa akin
ang kung sino-sino lang.
Para raw mapasa’kin ang tunay na nakalaan.
Ang tunay na nakatadhana.
Isang tao na may respeto.
Paggalang na hindi kukupas sa paglipas ng panahon.
Isang tao na hindi magsasawa at mapapagod
na punan ang mga kahinaan ko.
Isang taong tatanggap sa aking pagkatao
at mamahalin ang buong ako nang walang pag-iimbot.
Iyong hindi raw mawawala ang pagiging maginoo
kapag nagtagal na.
Iyong palaging hahawakan nang may
pag-iingat ang aking maselang puso.
Iyong maiintindihan ang aking
sensitibong damdamin.
Iyong hindi matatakot sa
madidilim na bahagi ng aking pagkatao.
Iyong magdidiwang kasama ko
sa bawat masasayang araw.
Susulitin ang mga iyon dahil alam niyang
hindi naman iyon nagtatagal.
Na pagkatapos ng mga halakhak at tawanan,
susunod ang mga iyak at pighati.
Laging paalala ni Mama
na kapag dumating na raw ang tamang oras
at panahon,
ipagdasal ko raw sa Panginoon
ang tamang lalaki para sa akin.
Kaya naman Bro,
kapag panahon na,
at tinanong kita,
sana sagutin mo ako
nang hindi ako maguluhan.
Mawala.
Mapariwara.
Makulong panghabambuhay sa
isang relasyon na sa una pa lang
ay isang istorya
na di dapat ako bahagi at kasama.

Words by MV Sorima  #SpokenWordPoetry

*A hit in ‘The Artidope’

Advertisements