Untitled design.jpg

Ang nahulog at bumagsak.

Mga pagkakasalang nagawa
Sinadya man o hindi
Pinagsisihan nang talaga
Ngunit hindi na maitatanggi pa.

Panata sa sarili
Tuwinang nakalimutan
Pangako sa ibang naikubli
Sa sisidlang di na natagpuan.

Ang nahuhulog at bumabagsak.

Pagkabahala’t depresyon
Na bakit nga ba hindi matalo-talo
Pilitin mang maging masaya
Sigaw pa rin ay saklolo.

Ang mahuhulog at babagsak.

Marami pang darating na unos
Luluha pa ng maraming timba
Dadaing sa kalangitan
Luluhod pa sa mga tala.

Ngunit huwag labanan
Damhin nang buong-buo
Hayaang puso’y mabalutan
Ng pighati’t pagkalito.

Damhin lahat ng emosyon
Ang pakiramdam ng pagbulusok paibaba
Upang tagumpay na malasap sa muling pagtaas
Di maipaliliwanag ng anumang salita.

 

FEATURING THE WORK OF BRITZY JOY OSORIO based on an artwork in LAUNCHORA.

Advertisements